Dear HHDC EX-pert,
Mahilig ako sa paghahalaman. Ito ang aking pinagkakakitaan. Maganda ang aking negosyo. Bukod kasi sa nakapagpapaligaya ito ng mga tao (sabi nila nawawala pansamantala ang problema nila ‘pag nakakatikim sila ng aking tindang halaman at tawa sila nang tawa) ay nakakatulong pa ako sa environment. Malaki rin ang aking kinikita rito. Ang problema ko, naimbitahan ako ng mga awtoridad na magbakasyon muna sa isang resort sa may bandang Alabang ng anim na taon. Hindi ko ngayon alam kung papaano madidiligan ang mga halaman ko. Wala namang magdidilig sa kanila dahil nasa nakatagong lugar ko sila itinanim. Walang nakakaalam ng lugar. Kawawa naman ang negosyo ko ‘pag nagkataon. Bigyan n’yo po ako ng solusyon.
Bob M. ng Pasay City
Nakakapanghinayang nga ang negosyo mo kung mapapabayaan mo. Kawawa ang mga napapaligaya mong tao at lalo na ang kalikasan. Pero kung hindi mo na mapo-postpone ang pagbabakasyon mo, ‘eto ang solusyon na maipapayo ko. Gawin mo ito bago ka pumunta sa resort:
1. MAGHANAP KA NG DALAWANG PALAKA. Siguraduhin mong isang lalaki at isang babae ang pares. Siguraduhin mong hindi sila Reed Frogs na magpapalit ng sex (tanungin mo na lang sila kung Reed Frogs sila).
2. KUMUHA KA NG MAGANDANG PLATO. Dito mo sila ilalagay habang nagge-getting-to-know each other sila. Ipakilala mo sila sa isa’t isa. Example: “Froggy, ito si Fraggy… Fraggy, ito si Froggy… sayaw kayo ha?”
3. KUMUHA KA NG MAGANDANG PANYOLITO- handkerchief ang tawag ditto sa Ingles. Ibalot mo ang isang palaka sa panyo. Ito ang magiging bridal gown ng babaeng palaka. Bridal gown? Sige na, magkamot ka muna ng ulo habang nagtatanong bago mo basahin ang susunod.
4. PUMUNTA SA KA SA ISANG MALAPIT NA ILOG. Hawak ang platito na may isang babaeng palaka (na naka-bridal gown) at isang lalaking palaka, lumusong ka sa ilog at sumigaw ka nang malakas: “Do you take this frog to be your lawful husband?” Dapat sumagot ang dalawang palaka ng “I do” or “Ko-KAK!” para maging legal ang lahat.
5. PAKAWALAN MO SILA PARA MAGPARAMI. Pagkatapos ng kasal, pakawalan mo sila sa ilog para mag-honeymoon. Maligo ka na rin at hugasan mo ang mga kamay mo bago ka magka-kulugo.
6. Look up in the sky and WAIT FOR RAIN.
Note: Naaalala mo ba, Bob, ‘yung kasabihan ‘pag biglang umulan sa katanghaliang-tapat na mainit na mainit ang araw: “Umulan bigla, siguro may ikinakasal na palaka?!”